0

Sulat para kay Photskie



January 17, 2012
09:52PM
Dear Photskie,

Hi! Bigla kasi kitang na-miss kaya eto, naisipan kong sumulat sa’yo. ‘Di kasi ako sigurado kung may cellphone ka na ba ulit, tsaka sabi mo eh sira ‘yung chat mo sa Facebook. Eto nalang tuloy ang naisip kong paraan para mangamusta. Kaya kung mapapag-desisyunan mong basahin ‘to, salamat.

‘Di ko talaga in-expect na magiging friends tayo ulit. Ang totoo, nung ‘di mo ko kinausap ng humigit-kumulang isang taon eh muntik na talaga akong mawalan ng pag-asa na papansinin mo pa ako ulit. Buti nalang matigas ang ulo ko at sinubukan ko parin na maghintay na dumating ‘yung time na babalik tayo sa dati. Buti nalang talaga! Kung nakalimutan kong magpasalamat sa’yo nung pinagbigyan mo ‘ko na makasama ka namin ulit nung Christmas break, nagpapasalamat ako sa’yo ngayon. Sobrang laking bagay na sa’min – or at least sa akin – na binigyan mo kami ng konting panahon mo.

Alam mo Photskie, ‘di ko talaga maintindihan kung bakit mo naisipan noon na iwasan ako. Alam ko na dahil ‘yun sa ayaw mong mas lumalim pa ‘tong nararamdaman ko para sa’yo. Pero ‘diba alam mo naman na hindi naman ako humihingi ng kapalit sa binibigay ko sa’yong affection? Wala akong natatandaan na kahit isang beses na humiling ako sa’yo na suklian mo ‘tong pagmamahal ko sa’yo. Kung tutuusin, wala ka naman talagang dapat na problemahin eh. Simula pa nung umpisa, alam ko na hindi mo naman talaga pwedeng tumbasan ‘yung nararamdaman ko para sa’yo. Kaya nga hiniling ko sa’yo na maging kaibigan mo nalang ako diba? Hindi naman siguro ‘yun masama. Kaso, sa nagdaang humigit-kumulang isang taon, parang pati pagkakaibigan na hinihingi ko eh pinagdadamot mo pa.

Pero syempre wala naman akong magagawa kung ‘yun ang gusto mo. Sino ba naman ako para mag-reklamo, diba? Kung sa bagay, kahit ano naman ang maging desisyon mo eh alam kong nandito parin ako, matigas ang ulo na mamahalin ka parin kahit na anong mangyari. Ewan ko ba, ganun yata talaga akong mag-mahal eh. Madalas pinapagalitan na nga ako ng mga kaibigan ko, lalo na kapag wala na akong ibang alam sabihin kungdi ‘yang pangalan mo. Ang sabi nila, magmahal na daw ako ng iba. Sinusubukan ko naman eh. ‘Di ko pa lang siguro talaga nahahanap ‘yung taong mas hihigit pa sa’yo.

‘Di naman ako ganun ka-desperado. Ang totoo, may mga gago pa naman na nagmamahal sa’kin kahit na pa’no. At alam ko na nagmahal din naman ako. Pero ewan ko ba, bakit sa huli eh pangalan mo parin ang bukambibig ko. Siguro ibang level kasi ‘yung nararamdaman kong pagmamahal sa’yo. Hwow! Ang gwapo mo naman ata? Haha. Pero ‘yun ang totoo eh.

Nga pala (nga pala ano?). May iku-kuwento pala ako sa’yo. Meron kasing isang lalaki sa school naming na sobrang galling magpa-kilig sa’kin ngayon. Itago nalang natin s’ya sa pangalang Ian, kahit iyun naman talaga ang pangalan nya. Haha. Love ko s’ya, alam ko na ‘yun sa sarili ko. Ang totoo, pinigilan ko din na mahulog sa kan’ya, kaso sa maniwala ka at sa hindi, ibang klase talaga s’ya magpa-kilig sa’kin. Pero simula nung natapos ang Christmas break, hangga’t maari eh iniiwasan ko na s’ya, kasi mahal ko na s’ya. Ayoko na kasing magmahal ng iba eh. Kaya kung ‘di ko s’ya iiwasan ngayon pa lang eh siguradong lalo lang akong maiin-love sa kan’ya. Ang sabi ng mga kaibigan ko sa school, masyado daw “epal” si Ian, pero suportado naman nila ako kasi gusto naman talaga nila na humanap na ‘ko ng ibang mamahalin. Naaawa na daw sila na nagpapaka-martir ako sa’yo. Haha. Halos tuwing may pagkakataon eh sinasabi nila sa akin na mag-move on na daw ako. Eh ang lagi ko naming sinasabi  sa kanila eh pa’no akong magmo-move on kung ayaw ko naman? ‘Di kasi nila naiintindihan na hindi naman ako naghihintay ng kapalit galing sa’yo eh (bukod sa friendship na naibibigay mo naman). ‘Di nila naiintindihan na basta hayaan mo lang ako na mahalin kita eh solb na ‘ko.

Bakit nga ba kasi ayaw mo na mahalin kita eh hindi naman kita pinipilit na pansinin mo ‘yun? Kung ako ang tatanungin, ‘diba parang ang cool nga nun? Parang ang saya nung may nagmamahal sa’yo tapos pagkatapos ng halos apat na taon eh ganun parin ang nararamdaman nya para sa’yo. Siguro kasi iniisip mo na makakasakit ka ng damdamin kapag hinayaan mo na ganun. Alam mo, ang swerte mo nga eh, kasi ‘di mo na dapat problemahin pa ‘yun. Kasi, ako, kahit anong maging desisyon mo eh ‘di ako masasaktan. Instead, magiging masaya pa ako para sa’yo. Kasi matagal ko nang natanggap na ‘di na mangyayari ‘yung palagi kong hinihiling sa d’yos na ‘di ko naman pinapaniwalaan.

Siguro naman ngayon naiintindihan mo na kung ano lang talaga ang role ko sa buhay mo. ‘Di mo na siguro ipapagkait ‘yung pagkakaibigan na kaisa-isang bagay na matagal ko nang request sa’yo. Pero sa huli, sa’yo parin naman talaga ang desisyon eh. At s’yempre ako, bilang mahal kita, alam kong buong puso kong ibibigay sa’yo basta kagustuhan mo.

At kung hanggang ditto eh binabasa mo parin ‘tong walang saysay kong sulat, maraming salamat. Pero malamang sa malamang na ‘di ka na aabot sa part na ‘to kung saan sasabihin ko nanaman sa’yo na mahal na mahal kita na para bang hindi ko pa ‘to nasabi sa’yo kahit na kailan.

It’s me,
Tuesday

0 comments so far.:

Post a Comment

Siguiente Anterior Inicio